Gustong lumipat ng bahay | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Napilitan kaming lumipat sa bahay ng lola ko dahil nagkasakit siya.

Bilang nag-iisang anak na babae ang nanay ko, siya ang nag-aalaga sa kanya kahit kasama pa ni lola ang dalawang tito namin.

Pero ngayong malakas na si lola, gusto ko sanang mangupahan na lang kami uli sa ibang bahay. Kasi kapag nasa trabaho si mama ay sinusungitan kami nila lola at tito.

Gusto ko lang naman magkaroon kami ng privacy at sariling bahay,  tutal naman malakas na ulit si lola.

Paano ko makukumbinsi si mama ko na maghanap kami ay lumipat sa ibang bahay?

Pamela

Dear Pamela,

Naiintindihan ko na mahirap talaga makisama kahit sa sarili mong kamag-anak.

Kausapin mo si mama mo at ipaliwanag sa kanya ang nararamdaman mo. Sabihin mo sa kanya ang naoobserbahan mong hindi magandang pagtrato sa iyo ng lola at tito mo, kapag wala siya sa loob ng bahay.

Gawin mo ito nang pinananatili pa rin ang paggalang sa iyong lola at tito. Marahil maaring patanong ang gawin mo. Halimbawa, “Ma, gusto ko lang i-open sa’yo ang naoobserbahan ko kay lola at tito. Hindi ko kasi maiwasan na magtanong, kung bakit ganon na lang ang pagsusungit ni lola at gayundin ang hindi magandang pagtrato ni tito sa akin kapag nasa trabaho ka.”

Sa totoo lang, iba rin ang may sarili kang privacy. At para malaya kang kumilos at makapagdesisyon para sa iyong sarili.

Dr. Love