Shabu tiangge sa Laguna ni-raid: 31 timbog!


MANILA, Philippines — Nalambat ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 31 drug suspects mula sa sinasabing “shabu tiangge” sa dalawang barangay, sa San Pedro City, Laguna, nitong Miyerkules.

Ang operasyon na pinangunahan ng NBI Dangerous Drugs Division (DDD), kasama si NBI Director Melvin Matibag ay bunsod ng mga reklamong natanggap hinggil sa impormasyon na talamak ang bentahan ng iliegal na droga sa kabila ng pagdedeklara umano ng nakasasakop na barangay na “drug-free”.

Ang 31 indibiduwal, kung saan 28 ang nagpositibo sa paggamit ng iliegal na droga ay isinailalim sa inquest proceedings sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Gamit sa operasyon ang multiple search warrants na inisyu ni Judge Nida B. Tabulada-Gravino para sa pagsalakay sa mga drug hub sa Brgy. San Antonio at Brgy. Cuyab.

Nakumpiska ang nasa 30.5429 gramo ng shabu.

Kasama rin sa nasabing raid ang NBI National Capital Region (NBI-NCR), NBI Human Trafficking Division (NBI-HTRAD), NBI Special Action Unit (SAU), NBI Special Task Group (STG), NBI Laguna District Office (LAGDO).

Tiniyak ng NBI na patuloy pa ang pagtugis nila sa mga organisadong grupo o networks ng pagpapakalat ng iligal na droga.