CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sinibak sa puwesto ang direktor ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) sa Palawan kasunod ng naganap na shootout na ikinasawi ng dalawang pulis at isang Bucor personnel noong Biyernes Santo, at sa hindi pa nalulutas na dalawa pang insidente ng pamamaril sa kanyang hurisdiksyon.
Si Col. Cristine Tabdi ay tinanggal sa puwesto bilang City Director ng PPCPO at pinalitan siya ni Col. Dennis De Leon, dating Chief of Police ng ilang Cities and Municipal police stations at Officer-in-Charge ng Regional Learning and Doctrine Development Division (RLDDD) sa rehiyon ng Calabarzon.
Sa pamumuno ni Tabdi, naganap ang ilan sa mga pinakamalaking krimen sa lungsod, kabilang ang pagpatay sa abogadong si Joshua Abrina, pamamaril sa dating tauhan ng CAAP na si Joanna Infante, ang bagong kaso ng pamamaril na ikinamatay ng dalawang pulis, at isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) noong Biyernes, Abril 3. Ang mga kaso ng pagpatay kay Abrina at Infante ay nananatiling hindi nalutas sa ilalim ng mga termino niya ng nilikhang Special Investigation Task Group.
Ang relief order ni Col. Tabdi ay nilagdaan ni Police Major Gen. Constacio Chinayog Jr., PNP director for personnel and records management.