November 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang straight-sets win lamang ang dapat makuha ng PLDT para tuluyang masikwat ang No. 1 seat sa knockout quarterfinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Ito ay kahit manalo ang Farm Fresh sa huli nilang laro at makatabla sa ZUS Coffee sa team standings.
Sasagupain ng High Speed Hitters ang Petro Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Foxies at sibak nang Chery Tiggo Crossovers sa alas-4 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Magtutuos sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon ang Capital1 Solar Spikers at talsik nang Galeries Tower Highrisers.
Nasa itaas ang ZUS Coffee bitbit ang 7-1 baraha kasunod ang PLDT (6-1), Farm Fresh (6-1), nagdedepensang Creamline (5-3), Cignal (5-3), Akari (4-4), Petro Gazz (4-3) at Capital1 (3-4).
Wala na sa kontensyon ang Choco Mucho (3-5), Chery Tiggo (2-5), Nxled (0-8) at Galeries Tower (0-7).
Apat na sunod na panalo ang hinataw ng High Speed Hitters para sa tsansa sa No. 1 berth at makaduwelo ang No. 8 sa knockout quarterfinals.
Sina Russian import Anastasiia Bavykina, Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes at setter Kim Fajardo ang sasandigan ng PLDT.
Ibabandera ng Petro Gazz sina American hitter Lindsey Vander Weide, Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips katuwang sina Myla Pablo, Jonah Sabete at rookie setter Jules Tolentino.
