Isang masaklap na insidente ang naganap sa Fraktou forest, hilagang-silangan ng Greece, kung saan namatay ang isang beteranong hiker matapos mahulog sa malalim na bangin dahil sa pag-atake ng oso.
Kinilala ang biktima na si Christos Stavrianidis, isang kilalang explorer sa kanilang lugar. Idineklara itong patay sa ospital ng Kavala matapos matagpuan ng mga rescuers sa ilalim ng 2,600-foot na bangin noong June 9. Kasama ni Stavrianidis ang isa pang beteranong hiker na si Dimitris Kioroglou.
Ayon kay Kioroglou, inatake sila ng isang malaking oso habang naglalakad sa gubat. Nakaalalay umano ang kanyang aso at nagawa niyang gamitin ang pepper spray upang mapataboy ang oso, kaya napagbalingan ng oso si Stavrianidis na naubusan ng bear spray. Itinulak si Stavrianidis ng oso sa bangin, ayon pa sa salaysay ni Kioroglou.
Paliwanag ng wildlife expert na si Panos Stefanou mula sa grupong Arcturos, posibleng depensa lamang ng oso ang ginawa nito at hindi direktang pag-atake, dahil kadalasan ay nagiging agresibo ang mga hayop kapag pakiramdam nilang may banta sa kanilang paligid.
Ang dalawang hiker ay magtutungo sana sa lugar ng isang bumagsak na Greek warplane mula pa noong World War II. Natagpuan ni Stavrianidis ang wreckage ng eroplano noong nakaraang taon at plano sana niyang gawin mas accessible ito sa mga nais bumisita.
Ang mga brown bear sa Greece ay mahigpit na protektado ng batas, ngunit dumarami rin ang mga insidente ng bear attack sa mga tao sa iba’t ibang bahagi ng Europa dahil sa tumataas na populasyon ng mga oso. Nitong mga nakaraang buwan, nagpatupad na ng culling sa mga oso sa Slovenia at Slovakia matapos magtala ng mga seryosong insidente ng pag-atake ng oso sa tao.
Nagpaabot ng paalala ang mga otoridad sa Europe na maging maingat at maghanda sa tuwing maglalakbay sa mga lugar na kilalang tinitirhan ng mga oso.