“Sumama ka sa pagtungo rito sa U.S. Siony at ako ang bahala. Gusto ko makarating ka rito at magkita tayo,’’ sabi ni Mary.
“Salamat nang marami, Mary. Makakarating din ako sa America, yeheyy!” sabi ni Siony na tuwang-tuwa.
“Basta maghanda ka lang at makipag-coordinate kina Lira at Hiyasmin.”
“Salamat Mary.”
“Malapit sa aking puso ang mga Pilipino. Gusto kong masiyahan sila lalo na ang mga household workers. Alam kong may mga Pinay na dumanas nang hindi maganda sa Kuwait. Di ba may mga pinatay pa nga. Gusto kong ipabatid na hindi rin naman lahat ay malupit—meron din namang may pagmamahal sa kapwa.’’
“Tama ka, Mary,’’ sabi ni Siony. “Ang naging amo ko, mababait. Ayaw pa nga nila akong paalisin at dun na lang daw ako habambuhay sa kanila. Pero kailangan na akong umuwi para naman maiayos ko ang aking pamilya. Single parent ako, Mary. Kailangan ko namang asikasuhin ang aking anak.”
“Tama ang ginawa mo, Siony. Dapat matutukan mo ang iyong pamilya. Ipagdarasal ko na magtagumpay kayong mag-ina sa pagharap sa buhay. Basta kung kailangan mo ang tulong ko, huwag kang mahihiyang magsabi. Maski kay Lira, sinabi ko ‘yan. Handa akong tumulong sa nangangailangan.”
Hindi namalayan ni Siony na tumutulo ang kanyang luha. Masyado siyang natangay sa mga sinabi ni Siony.
Maski si Lira at namalisbis ang luha.
Nagpatawa si Mary.
“Iyakin din pala kayo na tulad ko. Tama palang magkakasama tayo.”
Nagkatawanan sila. Natapos ang kanilang pag-uusap na masayang-masaya.
Lumipas pa ang mga buwan. Malaking-malaki na ang tiyan ni Hiyasmin. Nalubos ang kasiyahan nang mag-asawa nang ma-reveal na kambal ang anak nila—nalaman sa ultrasound test,
“Lalo tuloy akong nasabik sa pagdating ng babies natin—dalawa agad, ha-ha-ha!”
“Oo nga Love.”
“Tiyak na matutuwa ang mga lola nila!”
(Itutuloy)