Pilipino Star Ngayon
November 12, 2025 | 12:00am
CHARLOTTE, N.C. — Kumamada si Luka Doncic ng 38 points tampok ang limang three-point shots habang hinugot ni Rui Hachimura ang 13 sa kanyang 21 points sa third quarter sa 121-111 panalo ng Los Angeles Lakers sa Hornets.
Umiskor si Austin Reaves ng 24 points para sa ikaanim na ratsada ng Los Angeles (8-3) sa huli nilang pitong laro.
Binanderahan ni Miles Bridges ang Charlotte (3-7) sa kanyang 34 points tampok ang pitong triples at tumipa si rookie Kon Knueppel ng 19 points, 10 rebounds at 9 assists.
Humataw ang Lakers ng 31 points sa kanilang arangkada sa third quarter sa pagbibida nina Doncic, Hachimura at Reaves.
Ang tres ni Marcus Smart sa huling 2:30 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa Los Angeles ng isang 14-point lead.
Kinuha ng Charlotte ang first period, 40-36, kung saan kumamada si Bridges ng 16 points.
Sa iba pang laro, tinakasan ng Detroit Pistons ang Washington Wizards sa overtime, 137-135; dinaig ng San Antonio Spurs ang Chicago Bulls, 121-117; sinunog ng Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 121-98; wagi ang Minnesota Timberwolves sa Utah Jazz, 120-113; lusot ang Miami Heat sa Cleveland Cavaliers sa overtime, 140-138; at umeskapo ang Orlando Magic sa Portland Trail Blazers, 115-112.