Hotel na gumagamit ng mga red panda para gisingin ang mga guest, ipinatigil ng mga awtoridad!


ISANG kilalang hotel sa Chongqing, China ang napilitang itigil ang kakaibang “wake up call service” matapos utusan ng lokal na forestry bureau na huwag gamitin ang mga red panda para manggising ng hotel guests.

Naging kilala ang Lehe Ledu Liangjiang Holiday Hotel, sa kakaiba nilang wake up call service kung saan, tuwing umaga ay hinahayaan nilang pumasok at umakyat sa kama ng mga guests ang mga red panda. Dito, maaaring laruin ng mga bisita ang mga red panda, isang unique experience na madalas ibinabahagi sa social media at vlogs ng mga hotel guests.

Ayon sa pamunuan ng hotel, apat na red panda ang naninirahan sa kanilang hotel at inihahatid sa mga kuwarto ng mga guest upang manggising. Ngunit hindi lingid sa publiko ang mga panganib na dulot ng ganitong service. Marami ang nagtatanong kung ligtas ito para sa mga tao at pati na rin sa mga red panda.

Ang red panda ay isang maliit na mammal na kilala sa makapal nitong pulang balahibo at mala-racoon na buntot; bagama’t tinatawag itong “panda”, hindi ito tunay na kauri ng giant panda at mas malapit ang kaugnayan nito sa mga hayop tulad ng raccoon at weasel.

Ipinaliwanag ng hotel na ang mga red panda ay hiniram nila mula sa isang zoo. Mayroon daw itong regular na bakuna, at inaalagaan ng mga staff. Paalala rin nila na kailangang may kasamang magulang ang mga batang sasali sa naturang aktibidad. Gayunpaman, iginiit ng World Animal Protection na hindi nararapat na parang gawing tagagising ng mga guests ang mga red panda dahil sa ang mga ito ay endangered na.

Dahil dito, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang forestry bureau ng China upang siyasatin ang aktibidad at tiniyak na ilalabas nila ang resulta ng kanilang pag-iimbestiha. Hanggang sa ngayon, pansamantalang itinigil na ng hotel ang red panda wake up call service sa mga bisita, alinsunod sa utos ng awtoridad at para na rin sa kapaka­nan ng mga hayop.