Hustisya hiling sa mag-asawa na pinatay, isinako sa Nueva Ecija


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Hustisya ang hiling ng mga anak ng mag-asawang biktima ng karumal-dumal na krimen matapos na patayin ay inilagay sa sako ng hindi pa kilalang mga suspek saka umano pinaanod sa irigasyon.

Base sa FB post ni Romnick Donato Delos Trinos, mababasa ang katagang “Justice po sa father at mother ko, nawa’y kung sino ka man na pumatay sa kanila makunsensya ka naman. Mababait ang magulang namin. Hindi natutulog ang Diyos. Sana ay sumuko ka na. Lord nawa’y makita po ang pumatay sa magulang namin. Mahal na mahal namin kayo nanay at tatay. Makikita (rin natin) ang pumatay sa inyo nay, tay.”

Si Romnick ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Dammam, sa Kingdom of Saudi Arabia at isa sa mga anak ng mag-asawang biktima na sina Romeo Delos Trinos, 65, at Mely, 55, ng bayan ng General Mamerto Natividad, NE, na iniulat na limang araw na umanong nawawala buhat nang bumiyahe ang mag-asawa patungo sa bayan ng Dilasag sa Aurora noong Marso 6, sakay ng kanilang kolong-kolong na traysikel.

Noong Martes, Marso 10 ay natagpuan ang labi ni tatay Romeo sa isang irigasyon sa Brgy. Popolon, Palayan City, at sa nasabi ring araw ay natagpuan ang kanilang serbis na kolong-kolong malapit sa isang irigasyon patungo sa Brgy. Platero, Gen. Mamerto Natividad.

Nang sumunod na araw, Marso 11, ay natagpuan naman ang labi ni nanay Mely, ganap na alas-3 ng hapon, nang may mga residente ng Barangay Cabu, Cabanatuan City nang magreklamo ng masangsang na amoy sa bahagi ng irigasyon sa naturang lugar.

Dahil nasa decomposition stage na ang labi ng mag-asawa ay napagpasyahan ng pamilya na ilibing na ang kanilang mga magulang nitong Marso 12, Huwebes.