September 24, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Sumusulat ako dahil labis po akong nababahala. Ako ko po si Perla at itinuturing kong single parent ako sa isang anak na babae. Iniwanan po ako ng asawa ko at sumama sa ibang babae.
May isa na rin siyang anak sa kanyang “kabit” na higit niyang pinapahalagahan. Minsan nagbibigay siya ng limang libong piso na sustento pero madalang.
Napipilitan akong tumanggap ng labada para sa aking walong taong gulang na anak. Pero sa maraming pagkakataon ay hindi sapat ang kita ko rito. Hindi naman po ako nakatapos ng pag-aaral kaya alangan mag-apply sa opisina o kumpanya. Gustuhin ko man po na magtinda-tinda, wala akong sapat na puhunan.
Ano po ba ang mabuti kong gawin? Pagpayuhan po ninyo ako.
Perla
Dear Perla,
Kung kasal kayo, puwede mo siyang idemanda ng concubinage o pangangalunya. At kahit hindi kayo kasal, obligado siyang sustentuhan ang anak niya sa iyo.
‘Yung limang libong piso na madalang pa niyang ibigay ay hindi sapat. Napakairesponsable niya. Ginawa ka lang parausan at nang magbunga ay ayaw niyang panagutan ang responsibilidad.
Maaari kang maghabla sa korte upang maobliga siyang magbigay ng sapat na sustento sa inyong anak.
Maganda rin ang iniisip mo na maghanap ng iba pang mapagkakakitaan, bukod sa pagtanggap ng labada. Nang sa gayon ay makapamuhay kayo ng marangal na mag-ina.
Pero i-push mo pa rin na hingan ng tuluy-tuloy na sustento ang ama ng iyong anak.
Dr. Love