September 23, 2025 | 12:00am
Mababa ang viewership ng ilang programa nung Linggo dahil karamihan ay nasa labas siguro para sumali sa rally.
Inaasahan naming mataas pa rin ang Bubble Gang, pero bahagya itong bumaba. Naka-8.7 percent ito sa NUTAM ratings, at pati ang sumusunod na The Voice Kids ay bumaba rin sa 11.6 percent.
Baka inaabangan pa ng mga televiewer na ibabalik ni Michael V ang karakter niyang si Ciala Dismaya, pero wala ito nung Linggo.
Pero marami silang sketches na tumutukoy sa isyung pinag-uusapan sa ngayon.
Ang napansin ko pa, mahilig talaga sa mga singing competitions ang manonood.
Talagang sinusubaybayan nila ang mga singing contests, kagaya nitong The Voice Kids at ang Idol Kids Ph na nasa semifinals na ngayon.
JC, may inamin kung paano nadiskubre
Kuwento mula sa usapang lasing nabuo ni Mel del Rosario ang pelikulang The Last BeerGin ng Cineko at Obra Cinema Productions na dinirek ni Nuel Naval.
Sabi kasi ng iba, mas nakakapagkuwento ka sa taong hindi mo ka-close kapag lasing na kayo.
Ganun ang nangyari sa limang karakter na bida sa pelikulang ito na ginagampanan nina Cherry Pie Picache, Pepe Herrera, JC Santos, Zaijan Jaranilla, at Xyriel Manabat.
Pero hindi raw sila ang tipong nagtitiwala kaagad na magkuwento sa taong hindi nila ka-close.
Pero meron silang malapit na kaibigan sa showbiz na pinagkakatiwalaan nila at nakukuwentuhan nila ng mga hanash sa buhay.
Matalik na magkaibigan sina Zaijan at Xyriel na kahit hindi pa raw sila artista. Ani Xyriel; “Si Kuya Zaijan po ‘yung ano, ‘yung sobrang updated po sa lahat na kaganapan. Masaya man o hindi na ganap sa buhay ko, parang alam niya po lahat ‘yun. Minsan siya pa ang unang nakaalam, bago sa bahay namin.”
Sabi naman ni Zaijan; “Si Xyriel din po. Kami po kasi ni Xy, kahit matagal na kaming hindi nagkita, tapos nagkita kami. Kahit hindi kami araw-araw na nag-uusap, matagal kaming hindi nagkita, nandun pa rin ‘yung relationship namin, kung paano namin na-miss isa.
“So, parang ganun talaga yung tropahan namin. Kahit nung hindi pa kami artista, tropa na, dikit po talaga kami po.”
Naging bahagi ng theater si JC Santos at doon daw niya naging ka-close ang magaling na stage at character actor na si Jojit Lorenzo.“Sa simula college po ako, meron akong isang puntahan, si Jojit Lorenzo. Eversince nung 2007, nung college ako sa UP, 15 years old po ako nun nung napanood ko siya bilang Basilio sa Gantimpala, siya na yung lagi kong pinupuntahan.
“Ang nagpakilala sa akin kay Jojit Lorenzo na si Miles Canapi at si Dolly de Leon. Dinala nila ako nun sa Kamuning, Café Baristo pa siya nun. Eversince, si Jojit Lorenzo ang puntahan ko na may gusto akong kakuwento or may samaan ng loob.
“Alam ni Jojit kung paano ako nag-umpisa at may mga times na tumira pa ako sa kanya, kasi taga-Pampanga talaga ako e.”
Nanatiling kagrupo pa rin ni Cherry Pie sina Direk Andoy Ranay at Angelica Panganiban. “Tayo naman kasi in this industry, may mga kakilala yung ganyan. Pero, I only have…siguro mabibilang mo lang talaga sa daliri mo ‘yung talagang kaibigan ko.
“I have my friends since Grade 2, I have five of them since Grade 2. Hindi nagbago yun. Ahh, they’re not in the industry,” pakli ni Cherry Pie Picache.
“Pero sa showbiz, si Andoy Ranay, tapos yan si Angelica (Panganiban), konti lang e, si Janine Gutierrez.
“Kami yung talagang…ganun din. Kami yung matagal hindi nagkita, pero pag…lalo na si Angge sa Subic e. Pero pag lumuwas, ‘o Mars, kumusta ka. Pag may mga post, ‘o Mars, kailangan mo bang mag-usap?” sabi pa ng premyadong aktres.
Naging magkaibigan na rin silang lahat nang ginawa nila ang pelikulang ito na magso-showing na sa October 1.