MANILA, Philippines — Kumonekta ang TNT Tropang 5G sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos pasabugin ang Terrafirma, 110-74, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Mula sa 0-3 panimula ay pinaganda ng Tropang 5G ang kanilang baraha sa 2-3.
Laglag ang Dyip sa pang-limang dikit na kamalasan para sa 1-5 marka.
“We know that this going to be a very tough conference, very tight race,” ani TNT coach Chot Reyes. “But our objective coming to this ball game was to make sure that we beat Terrafirma with our effort and energy.”
Tumipa si Calvin Oftana ng 22 points at may 19 at 12 markers sina Poy Erram at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.
Kaagad kinuha ng Tropang 5G ang 29-13 abante sa first period.
Tuluyan nang bumigay ang Dyip sa halftime, 35-51.
Inilista ng TNT ang isang 32-point lead, 82-50, galing sa jumper ni Erram sa huling 2:53 ng third quarter.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Terrafirma na nakahugot kina Louie Sangalang at Mark Nonoy ng tig-16 points.
Samantala, magtutuos ang Barangay Ginebra at Converge ngayong alas-7:30 ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Bitbit ng FiberXers ang 4-2 record, habang may 2-2 kartada ang Gin Kings.
Nasa isang three-game wining streak ngayon ang Converge kasama ang 107-97 panalo sa Rain or Shine noong Abril 30.
Galing ang Ginebra sa 86-89 kabiguan sa NLEX sa huli nilang laro.
