MANILA, Philippines — Pabibilisin ng Philippine Air Force (PAF) ang imbestigasyon kaugnay ng trahedya sa pagbagsak ng isa nitong FA-50 jet fighter noong Martes bago maghatinggabi sa kagubatan ng Mount Kalatungan sa lalawigan ng Bukidnon na kumitil ng buhay ng dalawang piloto nito.
Ayon kay Col. Consuelo Castillo, Spokesperson ng PAF, ito’y upang makabalik na sa operasyon ang 11 pang FA-50 jet fighters na pansamantalang grounded habang isinasagawa ang imbestigasyon dahilan krusyal ito sa “external defense mission”.
Sinabi ni Castillo na tinitiyak ng PAF sa publiko ang mabilisang imbestigasyon hinggil sa nangyaring trahedya upang matanggal kaagad ang grounded status ng 11 pa nilang jet fighters na kailangan sa panglabas na depensa.
“We ensure the public of an expedited investigation (regarding the incident), the sooner we get the fleet out of grounded status, the better because of our mandate of ensuring our external defense,” ayon kay Castillo upang hindi masakripisyo ang kanilang misyon.
Sinabi ni Castillo na ang mga FA-50 fighter jets ay importanteng asset ng hukbong panghimpapawid ng bansa kaya kailangang makabalik agad ito sa flying status.
Magugunita na ang FA-50 jet fighter na may tail number 002 ay napaulat na nawawala bago maghatinggabi noong Marso 4 matapos magsagawa ng tactical night operation sa hurisdiksiyon ng AFP-Eastern Mindanao Command. Ang nasabing aircraft ay nanggaling sa Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu at pabalik na sa nasabing himpilan ng mawalan ng komunikasyon sa nasabing aircraft.