Influencer na mahilig kumain ng make-up, namatay sa edad na 24!


NAMATAY ang kilalang Taiwanese beauty influencer na si Guava Shuishui, o mas kilala bilang “Guava Beauty,” sa edad na 24, ayon sa opisyal na pahayag ng kanyang pamilya sa social media.

Nakilala si Guava Beauty sa kanyang mga kakaibang content na matapos mag-review ng cosmetic products ay may mga eksenang tila kinakain o nilalasahan niya ang mga ito bilang bahagi ng kanyang “make-up mukbang” videos.

Mabilis na umani ng reaksyon sa online community, lalo na sa China at Taiwan, ang balita ng kanyang biglaang pagkamatay noong May 24.

Sa kabila ng kanyang kasikatan at higit 12,000 followers, nanatiling misteryoso ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagdulot ito ng samu’t saring haka-haka at espekulasyon sa social media, lalo na kaugnay ng kakaiba niyang con­tent kung saan tila “kinakain” niya ang mga make-up products.

May ilang netizen na nagpahayag ng pa­ngamba at agam-agam na baka ang kanyang pagkamatay ay may kinalaman sa pagkalason, ngunit mariin itong pinabulaanan ng kanyang mga kaibigan at pamilya.

Ayon sa mga malalapit kay Guava Beauty, nilinaw ng mga doktor na walang kaugnayan ang pagkamatay nito sa nasabing content.

Dahil dito, iginiit ng mga malalapit kay Guava Beauty ang kahalagahan ng online responsibility. Anila, ang mga maling balita at mapanirang komento ay nagdulot ng matinding stress at pighati sa pamilya ng influencer.

Hinikayat din nila ang publiko na maging mai­ngat sa pagbabahagi ng impormasyon, at igalang ang pribadong pagdadalamhati ng mga naulila.

Nag-iwan si Guava Beauty ng makulay na pa­mana sa mundo ng digital content. Sa huli, ang kanyang kuwento ay paalala sa lahat tungkol sa tunay na buhay ng mga online personalities, na sa likod ng camera at viral videos ay mga totoong taong may damdamin, pamilya, at pinagdaraanan.