Ipaubaya sa Chief Justice mamuno sa impeachment trial


ANG Chief Justice, hindi ang Senate President, ang dapat mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Saad yan ng Konstitusyon, giit ni University of Asia and the Pacific Institute of Law dean Jeremy Gatdula. Aralin ang mga probisyon:

l Artikulo VII, Kagawaran ng Tagapagpaganap, Sek­syon 3, “Dapat magkaroon ng Pangalawang Pangulo na may kata­ngian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pa­ngulo at dapat mahalal na kasabay at sa paraang katulad ng sa Pa­ngulo. Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.”

l Artikulo XI, Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan, Sek­syon 3-(6), “…Kapag ang Pangulo ng Pilipinas ay nililitis, ang Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ang dapat mangulo, ngunit hindi dapat bumoto….”

Iniwasan ng mga umakda ng Konstitusyon ang maaring personal na motibo sa impeachment trial. Ito’y dahil kasunod ang Senate President ng VP sa linya ng succession.

Dalawa ang probisyon sa succession, ani dean Gatdula:

l Artikulo VII, Seksyon 9, “Kung mabakante sa katungkulan ng Pangalawang Pangulo sa taning na panahon ng pa­nu­nungkulan na pinaghalalan sa kanya, ang Pangulo ay dapat magnomina” ng kapalit mula sa mga senador o kongresista

l Seksyon 8, “… Kung mabalda, mamatay, maalis sa katungkulan o magbitiw ang Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang dapat gumanap….”

Maaring tumagal ang pagkabakante, ani dean Gatdula. Ehemplo ang pagpatalsik kay President Joseph Estrada. Nu’ng umangat si Gloria Arroyo bilang Presidente, Jan. 20, 2001, inabot nang tatlong linggo bago sumumpa si Teofisto Guingona bilang VP nu’ng Feb. 7.