Isang mahinang iskrip at ang hamon ng katotohanan


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

October 1, 2025 | 12:00am

MULING naging palabas ang Senado nitong nakaraang linggo nang lumutang ang umano’y pasabog tungkol sa flood control projects. Sa sentro ng eksena, isang senador at isang dating sundalo na naglahad ng kuwento ng maletang puno ng pera.

Ngunit kung susuriin, mahirap balewalain ang mga butas sa salaysay. Ang teknikal na bigat ng perang sinasabing dinala, ang lohistikong pangangailangan para sa pag­lipat nito at ang kawalan ng ebidensiya gaya ng wastong notaryo at corroborating testimony, lahat ay nagdudulot ng tanong kaysa kasagutan.

Mas seryoso pa rito, lumabas ang mga affidavit na buma­baliktad sa mismong kuwento ng testigo. Kung may dalawang dating kasamahan na parehong nagsasabing hindi totoo umano ang kanyang pahayag, hindi maiiwasang magduda ang publiko.

Mahalaga ring tingnan ang proseso ng budget insertions. Ang totoo, ang mga panukalang proyekto ay duma­daan sa masalimuot na listahan mula sa LGU, ahensiya at rehiyon bago umabot sa Committee on Appropriations para sa pinal na pag-apruba.

Sa puntong iyon, malinaw na mas malaki ang papel ng komite kaysa ng Speaker. Kaya ang basta-basta na pagdidiin sa isang tao nang walang sapat na basehan ay maaaring mauwi sa pagbagsak ng kaso mismo.

Kung may nais na maglabas ng katotohanan, dapat itong nakabatay sa matibay na ebidensiya, hindi sa ekse­nang parang teleserye. Dahil sa huli, ang tunay na layunin ng mga imbes­tigasyon ay hindi palabas, kundi paghahatid ng linaw sa publiko.

Kung may mali sa sistema, dapat maipakita ito nang ma­linaw, at kung may pananagutan, ito’y dapat patunayan sa tamang proseso ng batas. Hindi puwedeng puro iskrip at eksena, lalo na kung nakasalalay dito ang tiwala ng taumbayan.

Disklaymer: Ang opinyong ito ay isinulat batay sa mga pampublikong ulat at pahayag na lumabas kaugnay ng imbestigasyon. Layunin nitong magbigay ng mapanuring pana­naw, hindi upang kampihan o siraan ang sinumang personalidad o institusyon.