NAGKAKAROON na ng kaunting liwanag ang kaso ng 34 missing sabungeros nang lumutang si alyas “Totoy” noong nakaraang linggo. Si Totoy ay isa sa mga kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa pagkawala ng 34 sabungeros. Sinabi ni Totoy na matagal nang patay ang mga sabungeros mula sa Metro Manila at mga lalawigan.
Ayon kay Totoy ang mga nawawalang sabungeros ay yung mga nakita sa CCTV na hawak-hawak ng mga kalalakihan habang palabas ng sabungan. Naibalita ito sa TV noon. Sabi ni Totoy na pinatay ang mga ito sa pamamagitan ng pagsakal ng kawad at isinilid sa mga sako na may buhangin at inihulog sa Taal Lake sa Talisay, Batangas.
Nag-ugat umano ang pagpatay sa mga sabungeros nang mawalan ng limpak-limpak na pera na kita ang online sabong at ang ilan naman ay ang pandaraya sa pagbitaw ng mga manok.
Matataas na opisyal umano ng Philippine National Police (PNP) ang kasangkot sa pagkidnap at pagpatay sa mga sabungeros. Ayon pa kay Totoy, sangkot din ang isang kilalang celebrity. Inilahad din niya na umaabot sa kalahating milyong piso ang ibinabayad ng sindikato sa bawat sabungero na ipinapapatay.
Humingi ng tulong kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga kaanak ng missing sabungeros. Agad namang tumugon si Remulla at ipinag-utos na sisirin ang mga bangkay ng sabungeros sa Taal Lake. Marekober man lang daw ang mga buto ng mga biktima at saka sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Ganunman, ipinahayag ni Remulla na napakalalim ng Taal Lake na umaabot sa 170 meters. Isa sa problema umano ay walang ekspertong divers sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard at PNP para sumisid.
Nararapat kumilos nang mabilis si Remulla. Kung kailangang gumastos ang kanyang ahensiya para sa divers, gawin niya upang mapanatag ang kalooban ng mga kaanak ng missing sabungeros. Halos apat na taon nang naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng sabungeros.
Dapat isaalang-alang ni Remulla na maraming police officials ang isinasangkot ni Totoy sa pagdukot at pagpatay sa mga sabungeros. Ayon pa sa salaysay ni Totoy, isang mataas na PNP official ang may-ari ng pangisdaan na pinaghulugan ng mga bangkay ng sabungeros.
Dapat ding kumilos si PNP chief Gen. Nicolas Torre III na i-secure na ang lugar na pinaghulugan sa mga bangkay ng sabungeros. Posibleng maunahan sila ng mga nagsagawa ng krimen na linisin ang pinaghulugan sa mga bangkay upang walang makitang ebidensiya.