Pilipino Star Ngayon
October 20, 2025 | 12:00am
LOS ANGELES — Sa sinasabing magiging pinakahuling NBA season ni Lakers superstar LeBron James ay kailangan nang simulan ni Luka Doncic ang pagmamando sa koponan.
Sasalang ang 40-anyos na si James, isang four-time NBA champion at ang all-time leading scorer, sa kanyang makasaysayang ika-23 season.
Ang 26-anyos namang Slovenian star ang inaasahang magiging mukha ng Lakers franchise na kumuha sa kanya mula sa Dallas Mavericks sa isang mid-season trade noong Pebrero sangkot si Anthony Davis.
“He’s a great player. He can help us a lot. But at the end of the day, our mentality needs to be next man up,” wika ni Doncic kay James na hindi makakalaro sa pagbubukas ng NBA season 2025-2026 sa Miyerkules (Manila time) dahil sa injury.
Makakatapat kaagad ng Lakers si Stephen Curry at ang Golden State Warriors sa Los Angeles habang dadayo si Kevin Durant at ang Houston Rockets sa Oklahoma City para labanan si Shai Gilgeous-Alexander at ang nagdedepensang Thunder.
Sa Nobyembre pa posibleng magbalik sa aksyon si James, ayon kay Lakers coach JJ Redick.