September 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Paborito ang Italy, Poland, France at Brazil sa FIVB Men’s World Championship na papalo sa Setyembre 12 sa Mall of Asia Arena sa Pasay CIty.
Ang Poland ang world No. 1 habang defending champion ang Italy sa torneo. Nasa No. 3 naman sa world rankings ang Brazil samantalang Olympic gold medalist ang France.
Subalit asahang hindi ito magiging madali para sa kanila dahil handa-handang ang lahat ng teams na makipagsabayan kabilang na ang crowd favorites Japan at USA kasama pa ang Slovenia.
Babanderahan ang Japan nina Yuji Nishida, Ran Takahashi at skipper Yuki Ishikawa kung saan inaasahang makakakuha ito ng solidong suporta mula sa mga Pinoy fans.
Nakaabot ang Japan sa quarterfinals ng 2024 Paris Olympics at 2025 Volleyball Nations League at nananatiling solido ang lineup nito para sa FIVB Worlds.
Sa kabilang banda, magbabalik din sa Maynila ang USA na mamanduhan naman nina star setter Micah Christenson, libero captain Erik Shoji at Paris Second Best Middle Bocker Taylor Averill.
Nasa ikaanim na puwesto lamang ang USA sa 2022 edisyon ng world meet habang naka-bronze ito sa Paris Summer Games.
Kakasa rin ang Slovenia sa 32-team world meet na inorganisa ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara kasama sina Local Organizing Committee co-chairman Presidential son William Vincent “Vinny” Araneta Marcos.
Madalas pumapasok sa semis ang Slovenia sa mga major tournaments sa pangunguna ni super spiker Rok Mozic.
Nasa ikapito ang Slovenia sa Paris Games at ikaapat naman sa 2022 world championship at 2025 VNL.
Nasa Pool G ang Japan kasama ang Canada, Turkey at Libya, habang nasa Pool D ang USA, Cuba, Portugal at Colombia.
Pasok ang Slovenia sa Pool E kasama ang Germany, Bulgaria at Chile.
Kasama rin sa dark horses ang Germany (No. 8), Argentina (No.9) at Cuba (No. 10).
Hahataw naman ang Alas Pilipinas sa Pool A kasama ang No. 13 Iran, African champion at No. 23 Egypt at ang No. 42 Tunisia.
