JB, RHJ magtatambal sa Bolts sa EASL kung…


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Super import tandem nina Justin Brownlee at Rondae Hollis-Jefferson ang posibleng iparada ng Meralco Bolts sa 2025 East Asia Super League season bilang nag-iisang kinatawan ng PBA.

Ito ang napipintong po­sibilidad ngayon kung maikakasa, ayon sa ulat ng Spin.ph, na ikakatuwa ng Bolts upang mapa­lakas ang kampanya sa EASL simula sa Oktubre kontra sa mga kampeong koponan sa Asya.

Sa Ginebra naglalaro bilang resident import noong 2016 pa si Brownlee habang sa Talk ‘N Text naman si Hollis-Jefferson na siyang pinakamagaling ngayon sa PBA at maa­aring sa buong kasaysayan ng liga.

May hawak na 6 na titulo at 3 Best Import awards si Brownlee, na siyang naturalized player ng Gilas Pilipinas, habang may 3 PBA championships si Hollis-Jefferson.

Tatlo sa koleksyon ni Brownlee ay kontra sa Meralco tampok si Allen Durham bilang import habang ang lahat ng titulo ni Hollis-Jefferson ay kontra kay Brownlee at Ginebra

Pag pinagsama, inaasahang malaki ang maitutulong ng 2 super imports sa Meralco para maipamalas ang galing ng PBA na hirap maka-adjust sa international import na may 2 imports.

Isang import lang ang iniimplementa sa PBA kaya nahihirapang makipagsabayan sa ilang teams sa Asya na sanay magparada ng maraming imports katulad ng sa kanilang mother leagues tulad ng Japan B. League at Korean Basketball League na siyang naghari sa unang 2 seasons ng EASL.

Wala pang kasiguruhan ang naturang plano at wala pang opisyal na pag-uusap dito, ayon kay Meralco head coach Luigi Trillo.