October 31, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni world champion Melvin Jerusalem ang matikas na ratsada ng Pinoy boxers sa Thrilla in Manila 2 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.
Lumutang ang bangis ni Jerusalem para masikwat ang unanimous decision win laban kay South African Siyakholwa Kuse upang mapanatili ang kanyang World Boxing Council (WBC) strawweight crown
Dalawang hurado ang nagtala ng parehong 116-112 habang ang ikatlong hurado ay nagbigay ng 115-113 iskor — lahat pabor sa Pinoy pug.
Umakyat ang winning streak ni Jerusalem sa lima para umangat sa 25-3 rekord. Bagsak naman si Kuse sa 9-3-1.
Sa kabilang banda, nalusutan ni Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial ang matikas na hamon ni Venezuelan Eddy Colmenares para makuha ang majority decision win.
Ang panalo ang nagbigay kay Marcial ng World Boxing Council (WBC) International middleweight crown at manatiling malinis ang rekord nito sa professional boxing tangan ang 7-0 marka.
Dalawang beses tumumba si Marcial — una sa second round kasunod ang pagbagsak sa 10th round. Subalit hindi sumuko si Marcial na agad na bumangon para ituloy ang laban.
Nagpakawala ito ng kaliwa’t kanang solidong suntok upang pigilan ang Venezuelan fighter.
Dalawang hurado ang nagbigay ng parehong 95-93 para kay Marcial habang ang ikatlong judge ay naglatag ng 94-94 draw dahilan para makuha ng Pinoy pug ang panalo.
Bagsak si Colmenares sa 10-3-1.
Wagi rin si Carl Jammes Martin na nanaig kay Aran Dipaen ng Thailand via unanimous decision sa super bantamweight division.
