Junior Altas gustong makatapat ang Squires sa Finals


MANILA, Philippines — Inaasahang panonoorin ng University of Perpe­tual Help System DALTA ang ‘do-or-die’ game ng back-to-back champions Letran at St. Benilde-La Salle-Greenhills para sa ikalawang finals ticket sa NCAA Season 100 juniors basketball tournament.

Nakatakda ang duwelo ng No. 3 Greenies at No. 2 Squires ngayong alas-2:30 ng hapon sa Final Four sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Itinakas ng St. Benilde-LSGH ang 78-74 overtime win sa Letran noong Lunes para humirit ng playoff match kung saan ang mananalo ang lalabanan ng Perpetual sa best-of-three championship series.

“Sobrang gusto naming bumawi this season kasi last season na-short kami sa Letran,” ani JD Pagulayan ng Junior Altas matapos matalo sa Squires sa Game Three ng kanilang titular showdown sa Season 99 Finals.

Inangkin ng No. 1 Perpetual ang unang finals berth matapos talunin ang No. 4 San Beda University, 96-87, para sa kanilang ikalawang sunod na pagsampa sa title series.

Umaasa ang Junior Altas na mananalo ang Squires sa Greenies para makabawi sila sa kanilang kabiguan sa una nilang championship duel.