Kakatwang panaginip | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Mayroon akong kakatwang panaginip na halos bawat gabi’y napapanaginipan ko.

Tawagin mo na lang akong Elsa, 26-anyos at dalaga.

Ito ay tagpo sa isang mall at habang nagwi-window shopping ako ay may lumapit na lala-king nakipagkilala sa akin.

Ako ay isang artist at sa dalas ng panaginip na ito, na-sketch ko na ang mukha ng lalaki.

At nangyari ito uli. Pero hindi na ito pana-ginip, kundi totoo na.

Sa mall, habang bumibili ako ng art material ay aksidenteng may nakabangga ako. Siya nga ito, hindi ako puwedeng magkamali.

Nakipagkilala siya at pumayag naman ako nang yayain ako sa food court para kumain. Naikuwento ko na nakilala ko na siya sa panaginip.

Inilabas ko ang aking sketchpad at pinakita ko ang drawing na kamukhang kamukha niya. Sa oras na ‘yun ay nagkapalagayan kami ng loob at naulit ang aming date.

Pero isang gabi, napanaginipan ko siya. Pangit ang panaginip.

Sapilitan niya akong niyakap, hinagkan at bigla akong nagising. Natatakot na akong makipagtagpo sa kanya.

Dapat ko na ba siyang iwasan?

Elsa

Dear Elsa,

Makabubuti nga siguro kung iwasan mo na siya. Kahit sa Bibliya ay nagbibigay ng babala ang Diyos sa panaginip.

Ang pagiging kamukhang-kamukha ng lalaking nakilala mo sa iyong sketch ay patunay na  may mensahe ang paulit-ulit mong panaginip.

Doblehin mo ang iyong pag-iingat upang iwasan ang kapahamakan.

Dr. Love