November 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pipilitin ng University of Perpetual Help System DALTA na tapusin ang kamalasan sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa FilOil Centre sa San Juan City.
Mag-uupakan ang Altas at Pirates ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang banggaan ng San Beda Red Lions at Letran Knights sa alas-2:30 ng hapon.
Sa kabila ng tatlong sunod na kabiguan ay namumuno pa rin ang Perpetual sa Group A tangan ang 8-4 record kasunod ang Arellano (7-6), nagdedepensang Mapua (7-6), Lyceum (3-9) at San Sebastian (3-10).
Solo ng San Beda ang liderato sa Group B bitbit ang 9-3 baraha sa itaas ng St. Benilde (9-4), Letran (7-5), Jose Rizal (6-7) at Emilio Aguinaldo College (4-9).
Bilang top two teams sa kanilang mga grupo ay may ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals ang Altas at Chiefs sa Group A at ang Red Lions at Blazers sa Group B.
Swak din sa quarterfinals ang Cardinals at Knights.
Sasalang sa play-in ang Heavy Bombers at Generals at ang Pirates at Stags para sa huling dalawang quarterfinals berth.