HABANG patuloy ang pagguho ng moralidad sa maraming komunidad, habang dumarami ang mga naulila, nabaon sa utang, at nalulong sa digital na sugal, naririyan pa rin ang PAGCOR, hindi para manindigan kasama ng taumbayan, kundi para kontrahin ang total ban sa online gaming. At bakit? Dahil sa kita. Dahil sa revenue. Hindi dahil sa tao. Hindi dahil sa pamilya. Hindi dahil sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Ang tanong ng bayan: Kanino ba kayo pumapanig, sa Pilipino o sa mga ganid na operator ng online gaming? Ayon sa PAGCOR, ang total ban daw ay makasasama sa kita ng gobyerno. Para bang ang kita ay mas mahalaga kaysa sa buhay ng mga Pilipinong winawasak ng online casino, at iba pang anyo ng sugal sa internet. Napakaipokrito. Ang tungkulin ng isang ahensiya ng gobyerno ay hindi lang pagkakaperahan, kundi ang protektahan ang interes ng publiko, lalo na ng mga mahihirap at maralita na pangunahing biktima ng online gaming.
Kung kayo ay totoong naglilingkod, bakit hindi ninyo pinaglalaban ang mahigpit na regulasyon? Bakit puro income ang laman ng mga pahayag ninyo? Nasaan ang malasakit sa mga ama ng tahanang nagsangla ng motorsiklo para makapaglaro? Sa mga inang nanangis habang hinahanap ang anak na natutong magnakaw para makabawi sa pagkatalo? O sa mga kabataang nalubog sa depresyon matapos magpakalulong sa sugal online?
Kapansin-pansin din na sa tuwing may isinusulong na batas para sa total ban, hindi nawawala ang boses ng PAGCOR. Parang lagi silang naroon hindi para suportahan ang solusyon, kundi para kontrahin ito. Tanong tuloy ng bayan: May kinatatakutan ba kayo? May pinuprotektahan ba kayong interes? Hindi ba’t kayo rin ang may lisensiya sa mga operator na ito? Hindi ba’t bawat patak ng kita ng mga sugarol ay kinakalakal ninyo bilang bahagi ng kita ng gobyerno? Kung ganyan, hindi kayo regulator kasabwat kayo sa pagkasira ng bayan!
Ang Pilipinas ay hindi dapat pamahalaan ng mga ahensiyang nakatingin lamang sa revenue. Hindi tayo narito para gawing adik sa sugal ang ating mga mamamayan kapalit ng buwis. Hindi natin puwedeng gamitin ang kahirapan bilang puhunan sa pagkita ng estado. At kung ang isang ahensiya ay hindi na makahiwalay sa pagkatali sa tubo, baka panahon na para ito’y buwagin o palitan ng mas makatao. Mga kababayan, huwag tayong paloko sa mga numerong sinasabi ng PAGCOR. Hindi mabibilang sa piso ang pamilyang gumuho, ang kabataang nasira, ang kinabukasang ninakaw ng digital na sugal.
Kumilos tayo. Magtanong. Manindigan. Ipanawagan natin sa ating mga mambabatas na ipaglaban ang total ban, at huwag hayaang ang gobyerno mismo ang maging tagapagtanggol ng bisyo. PAGCOR, kung hindi ninyo kayang isantabi ang kita para sa kabutihan ng bayan, baka panahon na para kayo’y magbitiw.
***
Disclaimer — Ang artikulong ito ay isang pahayag ng opinyon ng may-akda at hindi kinakatawan ang posisyon ng buong publikasyon. Layon nitong talakayin ang mga pampublikong polisiya at gawi ng mga ahensyang may tungkulin sa regulasyon ng online gaming sa bansa. Hindi ito layunin na sirain ang reputasyon ng sinumang tao, opisyal, o institusyon, kundi upang magsulong ng pampublikong diskurso na mahalaga sa interes ng bayan. Ang mga puna at obserbasyon ay batay sa mga opisyal na pahayag, ulat sa midya, at mga pangyayaring may kinalaman sa isyu. Iginagalang ng may-akda ang karapatan ng lahat sa due process, at bukas sa patas na tugon o paglilinaw mula sa anumang panig.