MANILA, Philippines — Patay ang kapatid ng isang alkalde habang sugatan naman ang misis nito matapos na tambangan ng riding-in-tandem na mga armadong salarin sa bayan ng Midsayap, North Cotabato, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Dhen Mascud, 55, na nakababatang kapatid ni Mayor Duma Mascud ng bayan ng Kadayangan na bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region habang ang misis nito ay nakilalang si Anisa na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.
Sa imbestigasyon, alas-7:00 umaga ay lulan ng minivan ang mag-asawa at binabagtas ang kahabaan ng national highway, Brgy, Agriculture, Midsayap nang dikitan ng motorcycle riding-in-tandem saka pinagbabaril na agarang ikinasawi ni Dhen.