MANILA, Philippines — Napaslang ang isang Kapitana makaraang paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa naganap na pananambang sa Brgy. Licuroan, Midsalip, Zamboanga del Sur nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ng nasawing biktima na si Brgy, Chairwoman Jodeliza Mansip na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang kasama nitong 18 anyos na lalaki ay masuwerte namang hindi nasugatan sa insidente.
Sa report ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, nangyari ang pananambang sa biktima sa kahabaan ng nasabing lugar dakong alas-7:39 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang nasabing brgy. chairwoman kasama ang 18-anyos na lalaki nang magdesisyon ang biktima na maglakad na lamang dahil sa masamang kondisyon ng kalsada na masyadong malalim ang putik.
Gayunman, habang naglalakad ay bigla na lamang umalingawngaw ang mga putok ng baril galing sa kakahuyan sa gilid ng kalsada na sumapol sa target na kapitana na duguang bumulagta sa insidente.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara nang dead-on-arrival.
Narekober din sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.