Kaso ng missing sabungeros, panibagong hamon kay Torre!


MAY bagong hamon sa liderato ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III at ‘yan ay ang kaso ng missing sabungeros. Kung magaan na nalusutan ni Torre ang kaso nina Kingdom of Jesus Christ pastor Apollo Quiboloy at Tatay Digong na inilipad niya sa The Hague, dito kaya sa kaso ng sabungeros magtatagumpay din siya?

Kung sa kaso nina Quiboloy at Tatay Digong, pader ang binangga ni Torre, at itong si gambling lord Charlie “Atong” Ang, na itinurong mastermind sa kaso, ay well-connected din. Mukhang seryoso naman si Torre na lutasin itong kaso ng missing sabungeros, hindi para madagdagan ang pogi points niya kundi magkaroon ng hustisya ang kani-kani­lang pamilya.

Kung nalusutan ni Boss Atong ang hearing ng Kongreso ng nakaraang taon, ‘yan ay dahil wala namang testigo na dumiin sa kanya. Pero dito sa paglutang ni Julie “Dondon” Patidongan, lumiliwanag na ang kaso. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Nangako si Torre na wala siyang sisinuhin sa kaso, at ang primary goal lang niya ay bigyan ng hustisya ang pa­milya ng missing sabungeros. “Sa ating mga kababayan, you can rest assured that the PNP will do its best,” ani Torre sa press briefing kahapon sa Camp Crame.

“We will give the efforts to ensure that justice will be dis­pensed sa case na ito, wala tayong sisinuhin dito, wala tayong ibang magiging layunin dito kungdi bigyan lang ng hustisya itong mga naging biktima ng case na ito,” aniya. Ara­guyyy! Iginiit niya na “there will be no stone unturned” sa kani­lang imbestigasyon sa kaso. Eh di wow! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sinabi ni Torre na hepe pa lang siya ng CIDG ay lumapit na sa kanya si Patidongan. Ayaw sabihin ni Torre kung paano sila nagkaharap ni Patidongan basta tahimik nilang tinra­baho ang mga detalyeng ibinigay nito.

Hindi lang naman tinapon sa Taal Lake ang lahat ng biktima kundi may sinunog pa at ibinaon sa lupa. Lahat ng mga lugar na itinuro ni Patidongan ay pinapuntahan na ng tropa na binuo ni Torre para imbestigahan ang kaso. “Kami ac­tually ang kumuha ng statement niyan months before okay? Kaya lang siyempre we have to put it under wraps to ensure na hindi ma­­preempt ang aming mga moves kaya nga kami naka­kuha ng voluminous evidence,” ani Torre.

“Dahil medyo under the radar ang pagkuha namin ng information na yan. nag follow-up kami para masiguradong matibay ang kaso,” ani Torre sabay sabing nasa DOJ na ang nakalap nilang ebidensiya. Tsk tsk tsk! Mukhang swak na sa banga si Boss Atong ah? Si Patidongan naman ay  nag-aapply na sa Witness Protection Program (WPP). Dipugaaa! Ang sakit sa bangs nito!

Tungkol naman sa 15 pulis, nasa protective custody na sila sa Camp Crame at ang pinakamataas na ranggo ay leutenant colonel, na baka RO dati sa Laguna. Araguyyy! May mga voucher na pinirmahan si Patidongan bilang bayarin tuwing may lilikidahin na magtitiyope, subalit ayon kay Torre, hindi naman tumugma lahat ang mga pangalan sa mga pulis.

Ayon kay Torre, nilalawakan pa nila ang imbestigasyon sa kaso at maaring may mas mataas pang opisyal ng PNP na madadawit dito. Sanamagan! Ayaw pangalanan ni Torre ang mga pulis dahil bibigyan din sila ng karapatang sagutin ang bintang laban sa kanila. Abangan!