Kaya bang linisin? | Pilipino Star Ngayon


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

KAYA ba ni Senate President Tito Sotto at House Speaker Martin Romualdez na linisin ang kanilang hanay matapos masangkot ang ilang kasamahang pulitiko na sumakmal ng milyon-milyong piso sa flood control project? Sa ginagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at Quad InfraCom, manlalaki ang inyong mga mata sa balitaktakan ng mga myembro ng committee dahil maging sila-sila ay nagbabangayan tuwing may masusungkal na kabaro nila.

Malaking isyu ang pagkalusaw ng pondo sa ghost flood control project kaya umiinit ang balitaktakan at nagiging dahilan ito upang magkaroon ang recess. Subalit kung tatanungin ang taumbayan, isa lang ang nais nilang malaman: Sinu-sino ang mga pulitiko na naging kakutsaba ng mga contractors na naglulungga sa Senado at House.

Kung nais ng mga buwayang pulitiko na maging maayos ang mga flood control project, dapat lamang tutukan ito ng mga pulitiko sa pangunguna ng mga kongresista. Di ba mga pulitiko ang nagpapasya bago aprubahan ng DPWH ang proyekto?

Iyan ang nais na makita ng madla sa liderato nina Sotto at Romualdez. Sawa na sila sa hearing na wala namang nahahatulan na mga kabaro nila. Ang Ombudsman at Sandiganbayan lang naman ang magbibigay ng hatol sa bandang huli.  Kapag nagpalit ang administration absuwelto na naman ang mga ito at bobolahin na naman ang mamamayan.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang mamamayan sa pagsasagawa ng iba’t ibang kilos protesta upang pukawin ang pamahalaan para matuldukan ang korapsiyon sa bansa. Kinakalampag nang todo ang DPWH, mga bahay ng contractors at maging ang Commission on Audit.

Dapat magkaisa ang mamamayan sa paglaban sa mga nagnanakaw ng pera ng bayan.