Korona itatagay ng Beermen | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Tatapusin ng San Mi­guel ang kanilang pagka­uhaw sa korona at ang pa­ngarap na Grand Slam ng karibal na TNT Tropang 5G sa Game Five ng Season 49 Philippine Cup Finals.

Hawak ang malaking 3-1 lead, pipilitin ng Beermen na dispatsahin ang Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Huling nagkampeon ang SMC franchise noong 2024 Commissioner’s Cup tampok si import Bennie Boatwright laban kay Tyler Bey at sa Magnolia, 4-2.

Matapos itakas ng TNT ang kontrobersyal na 99-96 panalo sa Game One ay itinagay ng SMB ang Game Two, 98-92, Game Three, 108-88, at Game Four, 105-91, sa kanilang best-of-seven championship series.

“Alam naman natin kung gaano kagaling ang TNT, magba-bounce back ‘yun, try nila ipanalo ‘yung game. Pero kami, try namin i-close out,” ani eight-time PBA MVP at 12-time Best Player of the Conference winner June Mar Fajardo ng Beermen sa Tropang 5G.

Matapos ang 0-3 tournament start ay kumamada ang TNT ng isang six-game winning streak para makasampa sa playoffs at naharap sa isang twice-to-win disadvantage kontra sa Magnolia sa quarterfinals.

Tinalo nila ang Magnolia sa quarterfinals, 2-0, at ang Rain or Shine, 4-2, sa semifinals series para makatapat ang San Miguel sa PBA Finals.

Bukod sa puwersa ng 6-foot-10 na si Fajardo ay naging susi rin ng Beermen ang kanilang ginawang defensive adjustment matapos matakasan ng Tropang 5G sa Game One.

“If you notice, TNT is shooting a lot from the three-point area. A­ctually, in the first two games, more than 50 percent ang kanilang tira sa labas. So we have to extend our defense from the perimeter,” ani Austria.

“This is a championship game. Everybody has their own adjustment. I think our adjustment, nag-click sa amin,” dagdag ng 67-anyos na mentor na hangad ang kanyang ika-10 PBA title.

Inaasahang gagawin ng Tropang 5G ang lahat upang makapuwersa ng Game Six para sa asam na Grand Slam makaraang pagha­rian ang mga nakaraang PBA Governors’ Cup at Commissioner’s Cup kasama si import Rondae Hollis-Jefferson.