August 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang Japanese teams ang sasalang sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference na hahataw sa Agosto 21 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang mga ito ay ang Kurashiki Ablaze at Kobe Shinwa Women’s University na tatayong guest teams sa torneo na kinabibilangan din ng PLDT, Chery Tiggo, Creamline at Cignal HD.
Dati nang naglalaro ang Ablaze sa PVL kung saan pinagreynahan nito ang 2023 Invitational Conference matapos gibain ang Cool Smashers sa five sets sa gold medal round.
Sa kanilang pagbabalik noong 2024 ay nakuntento sila sa bronze sa ilalim ng gold winner Creamline at silver medalist Cignal.
Samantala, ito naman ang PVL debut ng Kobe Shinwa matapos mag-withdraw noong 2022 edition dahil sa health at safety protocols nang mag-positibo ang isa nilang player sa COVID-19.