Lady Altas balik sa liderato


MANILA, Philippines — Limang sets ang binuno ng University of Perpetual Help System Dalta bago tinalbos ang Letran, 23-25, 25-23, 14-25, 25-22, 15-13, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na nilaro sa UPHSD Gym, kahapon.

Kumana si middle blocker Winnie Bedaña ng 18 points, mula sa 13 attacks, apat na blocks at isang service ace para ilista ang 7-1 karta at puwestuhan uli ang No. 1 spot sa team standings.

Sumabay si Shaila Allaine Omipon sa matikas na laro ni Winnie Bedaña matapos nitong irehistro ang 17 markers lahat ay galing sa kills habang 14 ang binakas ni Jemalyn Menor para sa Lady Altas na sunod na makakalaban ang Mapua bukas.

Dahil sa panalo, na­agaw ng Lady Altas ang tuktok sa defending champion College of Saint Benilde na gumulong sa Lady Cardinals, 25-20, 11-25, 27-25, 25-21, sa unang laro ng women’s division.

Tatlo sa Lady Knights ang umiskor ng double-digit points, ito’y sina Marie Ju­diel Nitura na may 18 puntos, Gia Marcel Maquilang na nagrehistro ng 16 mar­kers at Sheena Va­nessa Sarie na may 15 pero hindi sapat para maipanalo ang koponan.

Kasalo ng Intramuros-based squad ang kalugar na eskuwelahan na Mapua sa No. 3, tangan ang tig-6-2 baraha.

May isang laro pa ang Letran sa first round elims, kalaban nila ang San Sebastian College-Recoletos sa Abril 11 sa SSC-R Gym.

Samantala, nagsanib puwersa sina Alyana Nicole Ong at Nadine Angeli Berces para tulungan ang Lady Cardinals na silatin ang Lady Blazers

Bumira si Ong ng 14 points mula sa 12 attacks at 2 blocks habang 10 puntos ang tinikada ni Berces para sa Mapua.