Lady Bulldogs balik agad sa porma


MANILA, Philippines — Lalong tumibay ang kapit ng defending champion National University sa tuktok matapos nilang lapain ang University of the East, 25-8, 25-22, 25-12, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa PhilSports Arena sa Pasig City, kahapon.

Muling bumalasik sa opensa si Mhicaela Belen upang akayin ang Lady Bulldogs at ilista ang 10-2 card habang nilubog nito sa ilalim ng team standings ang Lady Warriors kasama ang 0-12 karta.

Ipinaramdam ng NU ang kanilang bangis sa unang set, nang dominahin nila ang UE, 25-8.

Dahil sa panalo ay nakabangon agad ang NU mula sa pagkakadapa sa kanilang huling laro kontra Adamson University.

“I’m very happy na nakabawi ‘yung team kasi medyo masakit sa part namin ‘yung nangyari last game which is natalo kami.” ani two-time MVP Belen.

Yumuko ang Lady Bulldogs sa Adamson University Lady Falcons sa apat na sets, 23-25, 25-15, 26-28, 22-25.

Bumakas sina Evangeline Alinsug at Aishat Bello ng tig-siyam na puntos habang tig-pito naman ang kinana nina Erin May Pa­ngilinan at Celine Elizabeth Marsh para sa NU na sunod na makakalaban ang Ateneo de Manila University sa darating na Linggo.

Nahugot si Bello para akuin ang iniwan na trabaho ni Alyssa Solomon.

“I’m so happy and all thanks to the coaches and my teammates for trusting me even though opposite is not my natural position but I’m trying to put my effort so I’m so happy to show what I am,” ani Bello.