MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng De La Salle University sa No. 2 spot matapos ilampaso sa tatlong sets ang University of the East, 25-22, 25-13, 25-23 sa UAAP Season 87 volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Patuloy ang mainit na laro ni former Rookie-MVP Angel Anne Canino kung saan ay nakatuwang nito sa opensa si Shevana Maria Nicola Laput upang ilista ang 8-3 karta para sa DLSU na kinahon din ang three-game winning streak.
Lumamang pa ang Lady Warriors ng tatlo,16-13 sa opening frame matapos mag-init ang opensa nina Khy Cepada at Van Bangayan pero mas naging mabalasik sina Canino at Laput kaya naitakas ng Lady Spikers ang mahirap na panalo, 25-22.
Kumana si Canino ng 16 markers mula sa 12 attacks, tatlong blocks at isang service ace habang 14 ang inambag ni Laput para sa La Salle na papalo ng bola sa Abril 13 kontra University of the Philippines sa Big Dome.
Tumikada si Bangayan ng 13 markers, 11 ang binanatan ni Cepada pero hindi sapat para ipanalo ang Lady Warriors na wala ng pag-asang sumampa sa magic four pagkatapos ng 14-team double round robin eliminations.
Samantala, kinapitan ng University of Sto. Tomas si Angeline “Angge” Poyos upang sakmalin ang Ateneo De Manila Uniersity, 25-15, 26-24, 26-24, sa unang laro.
Humataw si Poyos ng 16 markers, 15 galing sa spikes para tulungan ang España-based squad na ilista ang 7-4 record at hawakan ang solo third sa team standings.
