MANILA, Philippines — Nais ng De La Salle University na masiguro ang pagpalo ng bola sa Final Four pagharap nila sa Adamson University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Magsisimula ang hatawan ng Lady Spikers at Lady Falcons sa alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng UST Golden Tigresses at University of the Philippines Lady Maroons sa ala-1 ng hapon.
Magkasalo sa No. 2 spot ang DLSU at UST na may tig-8-4 karta, solo sa tuktok ng team standings ang defending champion National University na may 11-2 record habang pang-apat ang Far Eastern University, (8-5).
Nasa pang-lima ang UP na tangan ang 6-6 baraha at dahil dalawang laro pa ang natitira sa kanila ay may tsansa pa silang makasampa sa magic four.
Subalit ang panalo ng Taft-based squad sa Lady Falcons ay magbibigay sa kanila ng ticket sa semifinals.
Sakaling matalo ang UP sa UST sa unang laro ay swak na sa Final Four ang Lady Tamaraws, DLSU at Golden Tigresses.
Sasandalan naman ng Golden Tigresses ang kanilang three-game winning streak para masakmal ang panalo at mapalaki ang tsansa sa asam na insentibo.
Sa kabilang banda, kakapitan ng Lady Spikers si former Rookie/MVP Angel Canino para tapatan ang super rookie ng Adamson na si Shaina Marie Nitura.
Maliban kay Canino, ipaparada rin ni La Salle head coach Ramil De Jesus sina Shevana Maria Nicola Laput, Amie Provido, Alleiah Jan Malaluan at Baby Jyne Soreno.
Pakay din ng Lady Spikers na makabangon agad mula sa pagkakadapa nila sa Lady Maroons sa huli nilang laro bago ang Holy Week break.
