September 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pakay ng Far Eastern University na iparamdam kaagad ang lakas nila sa pagharap sa Jose Rizal University sa paghataw ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup sa FilOil Centre sa San Juan City.
Magsisimula ang bakbakan ng FEU at Jose Rizal ngayong alas-3 ng hapon pagkatapos ng paluan ng San Beda University at Emilio Aguinaldo College sa ala-1 ng hapon.
Magkatapat naman sa alas-5 ng hapon ang San Sebastian College at University of Perpetual Help System DALTA sa event na itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Markado ang Lady Tamaraws na nais ipagpatuloy ang magandang kapalaran nila sa National Invitationals Batangas Leg.
“Hopefully, madala namin ‘yung nangyari sa amin sa Invitationals, ‘yung mga na-experience namin, ‘yung maturity ng team, especially sa chemistry sa tournament na ito,” sabi ni FEU coach Tina Salak.
Sinuwag ng Lady Tamaraws ang lahat ng tatlong laro sa Batangas Leg ng Invitationals.
Pangungunahan ng Batangas Leg Best Player Faida Bakanke ang FEU katuwang sina veteran setter Tin Ubaldo, Alas Pilipinas member Cla Loresco, Jazlyn Ellarina, Alyssa Devosora, Gerzel Petallo at Mitzi Panangin.
Ipaparada ng Lady Bombers sina Angelica Yongco, Czarina Ramos, Mailey Amante at Marianne Alona sa torneong suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.