September 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagsuspinde sa lahat ng bidding para sa mga proyekto ng DPWH na locally-funded.
Kasunod na rin ito ng isinasagawang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood-control projects sa bansa.
“I will order today a pause to all bidding of locally funded projects nationwide,” ayon kay Dizon.
Aplikable ang suspensiyon sa lahat ng bidding process, locally, sa national, regional, at district offices.
Layunin ng kautusan na mabigyan sila ng sapat na panahon upang repasuhin ang mga kasalukuyang proyekto at maglinis sa ahensiya, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos.
“Use his own words, he (Marcos) doesn’t want the people’s money and projects to be thrown into the river again,” anang DPWH chief.
Aniya pa, maglalaan siya ng hanggang dalawang linggo upang makapaglagay ng safeguards sa mga naturang proseso.
Tiniyak naman ni Dizon na tuluy-tuloy ang lahat ng foreign-assisted projects.
