October 22, 2025 | 12:00am
NAGSAMPA ng demanda ang pamilya ng isang pitong taong gulang na batang lalaki laban sa pamahalaang lungsod ng Miyama, Fukuoka Prefecture sa Japan matapos itong mamatay nang mabilaukan ng kinaing itlog ng pugo habang nasa recess sa school.
Ayon sa isinampang kaso sa Fukuoka District Court, humihingi ang pamilya ng 60 million yen (humigit-kumulang ?23.5 million) bilang danyos.
Nangyari ang insidente habang kumakain ng school lunch ang bata, kung saan kabilang sa ulam ang itlog ng pugo sa miso oden.
Ayon sa mga saksi, bigla na lamang itong nasamid at hindi naagapan kahit tinulungan ng school nurse.
Iginiit ng pamilya na nagpabaya ang mga guro at kawani ng paaralan sa kanilang tungkulin na tiyaking ligtas ang mga pagkain ng mga estudyante.
Dapat umano ay may babala o paalala tungkol sa panganib ng choking sa mga bilog at madulas na pagkain tulad ng itlog ng pugo.
Batay sa imbestigasyon ng Miyama Municipal Board of Education noong December 2024, lumabas na kulang ang kaalaman ng mga kawani tungkol sa mga posibleng panganib ng ganitong uri ng pagkain.