INARESTO ang isang 27-anyos na lalaki sa Japan matapos nitong pasukin nang 20 beses ang apartment ng kaopisinang babae.
Ayon sa ulat, ang suspek na si Yuki Murai ay nagtatrabaho sa isang kompanya sa Tokyo.
Anim na buwan ang nakaraan, may bagong hire na babaing administrative assistant sa kanilang kompanya. Agad itong nakursunadahan ni Murai dahil maganda at mabait.
Simula noon, nagsimulang magpadala ng text si Murai sa babae. Subalit hindi siya sinasagot nito.
Dahil sa hindi pagsagot ng babae sa mga text, naisip ni Murai na pasukin ang bahay nito.
Isang gabi, habang nag-o-overtime, nakuha niya ang susi ng babae mula sa bag nito. Kinunan niya ito ng litrato. Kinuha ang bawat detalye ng susi para ipakopya sa isang online key duplicating service.
Nang ma-duplicate ang susi, ginamit ito ni Murai para makapasok sa apartment ng babae tuwing gabi. Sa loob ng ilang buwan, pumasok siya ng 20 beses sa apartment.
Sa tuwing papasok sa apartment ng biktima, kinukunan ni Murai ng litrato ang iba’t ibang bahagi nito. Nakita ng mga awtoridad sa cell phone ng suspek ang mahigit 300 pictures ilan sa mga ito ay litrato ng damit na naiwan sa sofa at salamin ng banyo. Nagnakaw din siya ng mga damit ng babae bilang “souvenir”.
Nagsimulang makaramdam ang babae na may pumapasok sa kanyang bahay nang mapansin niyang naiiba ang puwesto ng mga gamit at may mga bakas ng paa sa sahig.
Pagkatapos makapagsumbong sa mga pulis, naglagay ang babae ng mga hidden camera.
Nahuli si Murai nang bumalik ito sa apartment.
“Gusto ko lang magparamdam sa kanya, kasi hindi siya sumasagot sa mga text ko,” paliwanag ni Murai sa mga pulis.
Inanunsiyo ng Tokyo Metropolitan Police na kinasuhan nila si Murai ng kasong illegal breaking and entering.