ISANG lalaki sa Japan ang umani ng pambansang atensiyon matapos mapag-alamang dalawang dekada niyang hindi kinausap ang kanyang asawa, kahit pa patuloy silang nagsasama sa iisang bubong at sabay na pinalaki ang kanilang tatlong anak.
Kinilala ang lalaki bilang si Otou Katayama mula sa Nara, Japan. Ayon sa ulat, tanging tango, buntong-hininga, o impit na ungol lamang ang naging tugon niya sa kanyang asawa na si Yumi sa loob ng 20 taon.
Gayunman, nanatili siyang masigla at normal makipag-usap sa kanilang mga anak, dahilan upang magduda at magtanong ang buong pamilya.
Ang sitwasyon ay nabunyag noong 2016 nang ang bunsong anak nilang si Yoshiki, 18-anyos, ay dumulog sa isang TV show sa Hokkaido upang humingi ng tulong. Sa kanyang liham, sinabi niyang ni minsan ay hindi niya nasilayan o narinig na nag-usap ang kanyang mga magulang.
Tinugunan ng TV crew ang panawagan ng anak at kinapanayam si Otou upang tanungin kung bakit siya nanahimik sa loob ng mahigit dalawang dekada. Ang tugon ng ama: selos.
Inamin niyang nagtampo siya dahil pakiramdam niya’y naisantabi siya habang inuuna ni Yumi ang kanilang mga anak. “Ako’y nagselos. Parang nagtampo ako nang matagal,” ani Otou.
Isinaayos ng programa ang muling pag-uusap ng mag-asawa sa parke kung saan sila unang nag-date. Sa di-inaasahang tagpo, pinanood ng kanilang mga anak mula sa malayo ang mga magulang na muling mag-usap.
Pagkatapos ng ilang segundong katahimikan, nagsalita si Otou: “Parang… matagal-tagal na rin mula nang huli tayong nag-usap. Mas inuna mo ang mga bata… Yumi. Alam ko, marami kang tiniis sa nangyari sa atin. Gusto kong malaman mong nagpapasalamat ako sa lahat.”
Tumugon naman si Yumi ng may pag-unawa at pasasalamat, at sa huli ay sinabi ni Otou na gusto niyang magpatuloy ang pag-uusap nilang dalawa na gaya ng dati.
Umani ng emosyonal na reaksiyon ang tagpo, lalo na mula sa kanilang mga anak na naiyak habang pinapanood ang bihirang tagpo ng kanilang ama na tuwirang kinakausap ang kanilang ina.
Gayunman, hindi lahat ay natuwa sa naging kuwento. Sa mga social media platform tulad ng Instagram, naging sentro ng diskusyon ang insidenteng ito.
Ayon sa ilan, ang matagal na pananahimik ni Otou ay maituturing na psychological abuse. Isang netizen ang nagsabing, “This is the definition of emotional abuse.” Isa pa ang nagkomento, “This is terrible. I would have gotten a divorce.”
Sa isang lipunang unti-unting bumubukas sa usaping mental health at emotional well-being, ang kuwento ng mag-asawang Katayama ay nagsisilbing paalala na ang pananahimik ay maaari ring makasakit, lalo na kung ito ay nagiging hadlang sa paghilom at ugnayan ng isang pamilya.