Lalaki sa Turkey, pumayag magbigay ng sustento sa alagang pusa ng misis matapos makipag-diborsyo!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

Isang lalaki sa Istanbul, Turkey ang sumang-ayon na magbayad ng “cat support,” o sustento para sa pusa na alaga nila ng dati niyang asawa bilang bahagi ng kanilang divorce settlement.

Si Bu?ra B. at ang kanyang asawang si Ezgi B., ay naghain ng “mutually agreed-upon” divorce dahil sa “severe incompatibility.” Napagkasunduan ng dalawang panig na wala silang hihinging alimony o kompensasyon mula sa isa’t isa.

Gayunman, nagsama sila ng isang kakaibang probisyon sa kanilang kasunduan: ang suporta para sa kanilang dalawang alagang pusa.

Ayon sa napagkasunduan, ang kustodiya ng dalawang pusa ay mapupunta sa misis. Bilang kapalit, si Bu?ra B. ay magbabayad ng 10,000 Turkish liras kada tatlong buwan (quarterly) para sa mga gastusin ng mga pusa.

Nakasulat sa divorce settlement na ang pagbabayad ay magpapatuloy hangga’t nasa pangangalaga ni Ezgi B. ang mga pusa, ngunit may limitasyon na hanggang 10 taon lamang.

Bukod pa rito, ang halagang 10,000 lira ay tataas bawat taon, batay sa opisyal na Consumer Price Index (CPI) ng Turkey.

Ang kakaibang kasunduang ito ay hinangaan at tinatawag na ­ngayong isang halimbawa ng “bagong uri ng alimony” sa Turkey.

Maari umano itong maging pamantayan o “precedent” para sa mga susunod na kaso ng diborsyo na may kinalaman sa pinansiyal na suporta para sa mga alagang hayop.