Letran-CSB sa NCAA Finale | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa sa opensa sina Marie Judiel Nitura at Sheena Vanessa Sarie para ihakbang ang Letran sa championship round sa pagkalos sa Arellano University, 30-28, 25-12, 25-21 sa semifinals ng NCAA Season 100 women’s volleyball tourna­ment na nilaro sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan kahapon.

Nakitaan ng determinasyon ang Lady Knights lalo na nang maghabol sila sa third set kaya naman naayos nila ang date sa finals kontra defending champion College of Saint Benilde, best-of-three ang labanan.

Nahirang na Best Pla­yer si Nitura subalit si Sarie ang humataw ng mga importanteng puntos sa kaagahan ng labanan.

Kumana si Nitura ng 17 points mula sa 15 kills at dalawang blocks habang humataw si Sarie ng 15 attack points. 

Ipinaramdam agad nina Nitura, Sarie at ng Lady Knights ang kanilang lakas ng tuhugin nila ang panalo sa unang dalawang sets at mamuro sa pagwalis sa Lady Chiefs.

Napalaban sa third set pero nakitaan ng tikas ang Letran at kahit nalamangan ay nanatili ang kanilang pokus sa laro at naitakas ang panalo.