MANILA, Philippines — Huhugot ng puwersa si Letran head coach Oliver Almadro sa kanyang mga pambatong bataan na sina Gia Marcel Maquilang at Sheena Vanessa Sarie pagharap nila sa Arellano University sa semifinals ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan, ngayong araw.
Hawak ang bentaheng twice-to-beat advantage, isang beses lang kailangan talunin ng Lady Knights ang Lady Chiefs para makausad sa championship round.
Magsisimula ang bardagulan ng No. 2 Letran at No. 3 Arellano U sa alas-2:30 ng hapon.
Maliban kina Maquilang at Sarie, ipaparada rin ng Lady Knights sina Marie Judiel Nitura, Royce Dela Cruz at Nizelle Aeriyen Martin para makuha na agad ang panalo.
Sa huling laro ng Letran sa elimination round, tumikada si Maquilang ng 22 points habang tig-15 ang binakas nina Nitura at Sarie para kalusin ang Mapua University, 34-36, 25-18, 25-17, 25-22 sa apat na sets.
Kakapitan naman ng Lady Chiefs sina Samantha Gabrielle Tiratira, Pauline De Guzman, Marianne Lei Angelique Padillon at Laika Tudlasan upang makuha ang panalo at makahirit ng do-or-die Game 2.
Samantala, nauna nang sumampa sa Finals ang defending champion College of Saint Benild Lady Blazers matapos nilang kaldagin ang No. 4 Lady Cardinals noong Linggo.
Nagkaroon ng bonus ang Taft-based squad at Letran dahil sila ang top two teams pagkatapos ng double round robin.
No. 1 ang CSB na may 16-2 card at No. 2 ang Letran na tangan ang 15-3 baraha.