Lisensiya ng truck driver at prangkisa ng transport coop sa aksidente sa Albay, sinuspinde


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na sinuspinde na nila ang lisensiya ng truck driver at ang prangkisa ng isang kooperatiba na sangkot sa isang aksidente sa Maharlika Highway sa Camalig, Albay, na ikinasawi ng 11 katao at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Ayon sa DOTr, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng driver ng truck, kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga mapapatunayang naging pabaya sa pagmamaneho lalo na kung nagresulta ito sa pagkasawi ng buhay ng tao.

Sa inisyal na ulat, nawalan umano ng preno ang truck na minamaneho ni alyas ‘Rex,’ kaya ito bumangga sa UV Express van ng Bicol Intercity Transport Cooperative (BITCoop) sa pababang bahagi ng kalsada.

Nabatid na maaaring maharap sa kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle ang driver, habang may paglabag din ang may-ari ng truck dahil sa umano’y sirang preno nito.

Inilagay na rin ng LTO sa alarma ang sangkot na truck na may plakang RFK-576 na rehistradong pag-aari ng isang Miguel Cerdeno.

Nakatutok ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pangyayari para matiyak na mabigay agad sa mga biktima ang tulong pinansyal mula sa insurance provider.

Pinatawan din naman ng LTFRB ng 30-day preventive suspension ang prangkisa ng BITCoop dahil nakitaan din ng paglabag ang van operator.