Lucero, Abando out na sa FIBA Asia Cup


MANILA, Philippines — Hindi na makakasama sina Zavier Lucero at Rhenz Abando sa mga pagpipilian para sa Final 12 ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup na lalarga sa susunod na linggo sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ito ang nilinaw ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone dahil sa kabiguan ng dalawang players na makadalo sa training camp ng koponan sa mga nakalipas na linggo.

Hindi pa malinaw kung mabibigyan ng pagkakataon si Lucero na makapaglaro bilang local player ng Gilas dahil hindi pa kumpleto ang mga dokumento nito.

Wala sina Lucero at Abando sa tuneup game ng Gilas  kontra sa Macau Black Bears noong Lunes sa Smart Araneta. Naitarak ng Pinoy cagers ang impresibong 103-98 come-from-behind win laban sa Black Bears.

“Lucero, we never got a go-ahead from FIBA to put him in as a local. We are still checking on that,” ani Cone.

Sa kabilang banda, hindi naman nakalahok sa trai­ning camp si Abando dahil bahagi ito ng Strong Group Athletics na sumabak sa 2025 Jones Cup na ginanap sa Taipei, Taiwan.

Nagkampeon ang Strong Group sa naturang torneo para madepensahan ang korona nito.

Malaking tulong sana sina Lucero at Abando sa Gilas lalo pa’t wala sa lineup si Kai Sotto na kasalukuyan pang nasa rehabilitasyon matapos sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury.

Dahil dito, sesentro ang atensiyon ni Cone sa mga dagdag players na sina  Barangay Ginebra standouts Troy Rosario at RJ Abarrientos.