Lumalala ang pandarambong sa sistemang political dynasties


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

January 20, 2026 | 12:00am

TATLONG malalaking pandarambong ang ginawa ng political dynasties nitong nakaraang dalawang dekada:

• P728-milyong fertilizer scam – Namahagi ang ­Malakanyang nu’ng 2004 ng pork barrels sa mga ­kongresista at kaanak nilang lokal na opisyales. Kunwari ay liquid fertilizer, pero cash ang pinamigay, pati sa mga lungsod na wala namang pananim.

Hanggang 2014 ay naglilitis pa ang Korte. Na-acquit ang pointman na Jocjoc Bolante, Agriculture ­undersecretary ni President Gloria Macapagal Arroyo.

• P10-bilyong Napoles raket – Nabisto nu’ng 2013 ang matagal nang raket ni Janet Lim Napoles. Fixer siya ng pork barrels ng mga mambabatas at kaanak na mga gobernador at mayor. Mahigit P10 bilyon ang dinambong ng 20 senador at 100 kongresista.

Mga pekeng proyekto at benepisyaryo ang “pinondohan” ng mga kawatan. Tatlong senador lang ang sinakdal: Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile. Hanggang Setyembre 2025 umabot ang paglilitis. Absuwelto silang tatlo. Si Napoles lang ang sentensiyado.

• P1.7-trilyong flood works scandal – Mahigit 5,500 flood control projects ay ipinamahagi sa iilang kawatang kontratista. Mula ito 2016 sa panguluhan ni Rody Duterte hanggang 2025 sa ilalim ni Bongbong Marcos. Marami sa mga ‘yon ay ghost o peke. Ang iba ay substandard pero overpriced.

Isiningit sa taunang pambansang budgets ang mga proyekto. Kumomisyon ang mga senador at kongresista ng 20 percent hanggang 40 percent. Nakinabang din ang DPWH officials.

Mga sisiw pa lang ang inaaresto.

‘Yan ang kasamaan ng political dynasties. Nawawalan ng pananagutan dahil magkakamag-anak ang nasa posisyon. Sama-sama at nagtatakipan sila ng pandarambong ng isa’t isa.