Luxury cars ng mga Discaya, guwardyado ng BOC at PCG


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga luxury vehicles na pagma-may-ari ng pamilya Discaya sa Pasig City.

Ito’y matapos ang muling paglusob ng mga raliyista na pawang miyembro ng Akbayan, Youth Against Kurakot (YAK) at iba pa, sa St. Gerrard Construction building ng mga Discaya sa Pasig City upang hilingin mapanagot ang mga ito sa ­maanomalyang flood control projects.

Nabatid na 24/7 oras na binabantayan ng mga BOC at PCG personnel ang nasa 28 behikulo na isinuko ng pamilya Discaya upang maberipika kung maayos ang mga dokumento ng mga ito at kung nakapagbayad ng tamang duties and taxes.

Sinelyuhan ng mga awtoridad ang mga sasakyan at gumamit pa ng dalawang mini-buses bilang barikada upang proteksiyunan ang mga luxury cars laban sa mga protesters na maaaring maghagis ng bato sa mga ito.

Tiniyak naman ng BOC na patuloy nilang babantayan ang mga luxury cars, na nasa kanilang constructive possession, kahit pa nananatili pa rin ang mga ito sa property ng mga Discaya.

Sa muling pagsugod naman ng mga raliyista sa property ng mga Discaya ay naghagis pa sila ng mga putik at nag-vandalized doon at niyugyog ang gate ng gusali.

Nagsagawa rin sila ng programa kung saan inilarawan pa nila bilang mga ghosts o multo, ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, gayundin si Mark Allan Arevalo, ang contractor ng Wawao Builders, na una nang isinailalim sa blacklist ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagpakalat din naman ang Pasig City Police ng mga pulis sa area upang magbantay doon.