Maagang pamasko para sa mga Asian Youth Games medalists


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  May kapalit na reward ang mga pagsisikap at sakripisyo ng mga ba­tang atletang nag-uwi ng medalya mula sa naka­ra­­ang 3rd Asian Youth Games sa Bahrain.

Ito ay matapos opisyal na ipahayag ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC) ang ka­­nilang matatanggap na cash incentives sa medal presentation kahapon sa East Ocean Palace sa Pa­rañaque City.

“Bahrain was a success, we didn’t expect to get these many, the target was three golds and we got seven,” sabi ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino.

Magbibigay ang POC ng P250,000 para sa mga gold medalists, P150,000 para sa mga silver winners at P75,000 para sa mga bronze medalists.

Bukod pa ito sa brand-new iPhone 17 Pro Max mula sa POC sponsor Sportsplus PH para sa mga gold winners na sina Pi Durden Wangkay (athletics), Isabella Butler (jiu-jitsu), Charlie Ratcliff (girls’ mo­dern MMA) at muay bets Jan Brix Ramiscal at Tyron Jamborillo (mixed team mai muay), Lyre Anie Ngina (girls’ wai kru) at Zeth Gabriel Bueno (Boys’ wai kru).

Ang mga silver at bronze medalists ay ta­tanggap naman ng iPhone 17 bawat isa.

Magbibigay ang PSC ng P500,000 para sa mga gold medalists, P300,000 para sa mga silver meda­lists at P100,000 para sa mga bronze medalists.

Lubha itong ikinagulat ng mga batang atleta dahil sa  ilalim ng Athletes and Coaches Incentives Act ay mga  elite o senior athletes lamang ang binibigyan ng PSC ng cash incentives.

“Tinutukan na natin ito, sinong mananalo sa AYG at sa Youth Olympic Games, iyan na rin ang ma­­nanalo sa Olympics at sa Asian Games,” ani PSC chairman Patrick ‘Pato’ Gre­­gorio. “Huwag na na­ting bitawan ito. I’m sure alam natin that is the right pathway.”

Ang mga silver meda­lists ay sina Travis Ratcliff, Naomi Cesar, Jasmine Da­game, Jan Brix Ramiscal, Kristen Aguila, Jamesray Aji­do at Jhodie Peralta.

Sampung tanso rin ang hinakot ng tropa.