December 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad si rookie tanker Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh ng La Salle-Greenhills matapos kumana ng dalawang gintong medalya sa pagsisimula ng NCAA Season 101 swimming competitions na ginaganap sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate, Manila.
Sa kanyang unang taon sa liga, nagpakilala agad si Mojdeh nang ibulsa nito ang pilak sa boys’ 800m freestyle bunsod ng naitala nitong siyam na minuto at 18.67 segundo.
Nanguna si Kyle Gruta ng Lyceum of the Philippines University na may nairehistrong 9:10.95 habang pumangatlo naman si John Factor ng San Beda University na may 9:23.15.
Muling umarangkada si Mojdeh sa boys’ 200m breaststroke kung saan nasiguro naman nito ang tanso.
Nailista ni Mojdeh ang 2:31.96 para sa ikatlong puwesto habang nangibabaw si Ashton Clyde Jose ng Colegio de San Juan de Letran na nagsumite ng 2:25.62 at pumangalawa naman ang isa pang La Salle-Greenhills bet na si Joaquin Taguinod na may 2:27.21.
Masaya si Mojdeh sa naging performance nito lalo pa’t nalampasan nito ang kanyang mga personal best times.
Ginaganahan ito ng husto dahil nasa senior level na ang ilan sa mga nakalaban nito kaya’t mas lalong tumaas ang motibasyon nito na lumaban.
“I am excited to swim in the NCAA because there are a lot of good swimmers here, and being part of celebrating school spirit during our swim competition motivates us all to perform our best,” ani Mojdeh.
