February 8, 2026 | 12:00am
COTABATO CITY , Philippines — Patay agad ang isang mister na nagmamaneho ng isang puting minivan habang sugatan ang kanyang misis makaraan silang ambusin ng armadong kalalakihan sa Barangay Cabaruyan, Libungan, Cotabato nitong umaga ng Biyernes.
Sa ulat nitong Sabado ng Libungan Municipal Police Station, agad na namatay sa mga tama ng bala si Jerry Agundar, 40-anyos, habang sugatan ang 36-anyos na kabiyak na si Shirley na ginagamot na sa isang ospital.
Lumalabas na sakay ang mag-asawang Agundar ng kanilang kulay puting Suzuki minivan nang sila ay pagbabarilin ng mga lalaking nakaabang sa highway ng Barangay Cabaruyan.
Ayon sa mga barangay officials at mga police investigators na nagresponde sa insidente, agad na nakatakas ang mga nag-ambush sa magkabiyak na Agundar.
Nagtutulungan na ang mga local government officials sa Libungan at ang mga imbestigador ng Libungan police force sa pagkilala sa sangkot sa naturang krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso.